Friday, November 21, 2014

MEET THE SAINTS: SAN JUAN BOSCO


ENERO 31

SAN JUAN BOSCO, PARI


A. KUWENTO NG BUHAY

Tunay na modernong santo itong si San Juan Bosco dahil akmang-akma ang kanyang buhay at mensahe sa mga kabataan noon at pati ngayon. Moderno din siyang matatawag kasi makikita rin kung ano ang itsura niya sa maraming larawan na naiwan niya noong nabubuhay pa siya. Madaling hanapin sa internet ang anyo ni Don Bosco noong nabubuhay pa siya (Don Bosco ang magiliw na tawag sa kanya; ang “Don” ay tawag sa mga pari sa Italya).

Sa Pilipinas ay may mga paaralan na tinatawag na Don Bosco at kilala ang mga ito sa husay sa pagtuturo ng technical skills at moral values sa mga kabataan.  Kilala din ang mga Don Bosco schools sa pagtulong sa maraming mga mahihirap na kabataaan mula Luzon hanggang Mindanao upang makaahon sila sa hirap at maging mabubuting Kristiyano at mamamayan.

Sa diyosesis ng Turin nagmula si San Juan Bosco. Matapos na siya ipanganak noong 1815, namatay ang kanyang ama pagkatapos ng 2 taon lamang at naiwan siya sa kalinga ng kanyang inang si Margaret. 

Ang kanyang ina ay naging tunay na gabay at inspirasyon kay Don Bosco. Siya ang unang nagturo sa kanya at nagsumikap upang kamtin ni Don Bosco ang isang mabuting edukasyong Kristiyano at makatao.  Mahal si Margaret ng mga tagasunod ni Don Bosco at maaaring isang araw tanghalin din ng ating simbahan bilang santa ang ina ni Don Bosco.

Mahirap ang buhay na kinagisnan ni Don Bosco habang lumalaki siya kaya nga noong maging pari siya ay nakatuon ang kanyang puso sa mga mahihirap na batang lalaki at babae na nais niyang matulungan upang magbago at umunlad ang buhay.

Pati ang pagpasok ni Don Bosco sa seminaryo ay naging posible lamang dahil sa tulong ng isang taga-suporta. Nang maging pari si Don Bosco hindi nagtagal at itinatag niya ang Society of St. Francis de Sales (tinatawag ngayong Salesians of Don Bosco), isang religious congregation ng mga pari at brothers para tumulong sa paghubog ng mga kabataang lalaki.  Sa tulong ni Santa Maria Dominica Mazzarello, itinatag din niya ang Daughters of Mary, Help of Christians, isang religious congregation ng mga madre upang asikasuhin naman ang pangangailangan ng mga kabataang babae.

Tunay nga na naging “Apostle of the Youth” itong si Don Bosco.  Buong buhay niya ay para sa kapakanan ng mga kabataan na hinangad niyang hubugin sa buhay Kristiyano at sa mga sining para sa kabuhayan.

Isa sa mga lagi niyang binigyang diin sa kanyang mga kasama ay ang ugali ng kabaitan para sa mga kabataan, na dapat ituring ang mga ito bilang sariling mga anak nila. Talagang damang-dama ni Don Bosco ang pagiging ama ng mga kabataan. Minsan ay nasabi niya: “Tandaan ninyo, anuman ako, ako ay para sa inyo, araw at gabi, umaga at gabi, at sa lahat ng sandali.”

Mula sa inspirasyon niya ang sistema sa edukasyon na tinatawag na “preventive pedagogy” na ang layunin ay mai-iwas ang mga kabataan sa masama, at pangalagaan sila sa tulong ng pang-unawa at sa paggalang sa kanilang kalayaan habang tinuturuan sila ng mga moral values.

Isa sa mga sikat na kabataang napailalim sa pangangalaga ni Don Bosco ay si Santo Domingo Savio (St. Dominic Savio), na noon ay nag-aaral sa isang paaralan ng mga Salesians. Sabi ni Santo Domingo Savio tungkol sa sistema ng edukasyong tinanggap niya mula kay Don Bosco: “Dito ang kabanalan ay ang pagiging masaya at ang perpektong pagtupad ng mga tungkulin hanggat maaari.”  Nang mamatay si Santo Domingo Savio, si Don Bosco ang sumulat ng kanyang buhay.

Nakilala din si Don Bosco sa pagsusulat ng mga pamphlets at mga munting babasahin para sa pagtatanggol ng pananampalataya. Namatay siya noong 1888.

Malapit sa aking puso ang mga Salesians dahil minsan akong nagturo sa kanilang seminaryo at dahil naging kaibigan ko ang mga estudyante doon na sina Fr. Brian Butanas, Fr. Arvin Paz, Fr. Jay David, Fr. Jerry Santos, Carlo Molina at iba pa. Nakilala ko rin sina Fr. Peewee Lazatin, Fr. Rex Carbilledo, Fr. Jess Escala, Fr. “Degs” de Guzman, at iba pa. Banal, mababait at masisipag ang mga Salesians, ang mga pari at brothers ni Don Bosco.


B. HAMON SA BUHAY

Sa ating mga pamilya ay may mga kabataang maaari nating akayin sa Panginoon. Ano ang ginagawa natin upang turuan sila ng mabuti? Ginagabayan ba natin sila sa kanilang mga hakbang tungo sa pagiging responsableng mga tao at Kristiyano?

Sa tulong ni San Juan Bosco, maging sariwa at bata sana muli ang ating pananaw sa buhay.

K. KATAGA NG BUHAY


Jn 10: 11
Ako ang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol.





Wednesday, November 19, 2014

PASKO 2014






PERPEKTONG PAG-IBIG SA PALPAK NA MUNDO

Mahirap ang buhay… madrama ang buhay… pabigat ang buhay…

Palagi natin itong naririnig at paano ka tatanggi?  Pati tayo alam natin na ito ay totoo.

Kay maraming tao ang ayaw nang mabuhay; marami ang suko na sa buhay; maraming tao ang ayaw nang maging tao – espiritu na lang, para malaya na sa buhay!

Kasi naman, walang kuwentang mabuhay!

At mahirap ang buhay… madrama ang buhay…  pabigat ang buhay…

Ganito din nakikita ng Diyos ang buhay kasi nakikita niya kung paano ang mga anak niya’y naghihirap, nagsisikap sa gitna ng mga pagsubok.  Alam niya na hindi ginhawa, hindi hayahay ang lahat sa planetang ito.

Iba ang tugon ng Diyos.

Mahirap ang buhay, kaya ayoko na  - ganito tayo!

Ang Diyos: mahirap ang buhay kaya sisimulang kong mabuhay; yayakapin ko ang buhay ng aking mga anak.

Ang Diyos ay hindi umaayaw sa buhay kundi umiibig sa buhay. Kung umaayaw siya, e di wala nang Pasko. Umiibig siya kaya dumating siya upang makibahagi sa mga bagay na mahirap at pabigat sa ating buhay.

Ito ang kahulugan ng Pasko: hindi perpekto ang mundo – na puro mabuti lahat ng tao, na puro maganda ang pangyayari, na panay maganda ang pakiramdam… kaya nga narito ngayon ang Diyos upang samahan tayo, upang maranasan natin paano mahalin, paano kalingain, paano sabayan at samahan, paano akayin sa liwanag.

Sa mundong hindi perpekto, ang Sanggol na si Hesus ay pumapasok bilang perpektong pag-ibig ng Ama para sa ating lahat.  Kaya pala:  “at tumira Siya sa gitna natin.”  Kaya pala Immanuel: Kasama natin ang Diyos!

Dahil kasama ko Siya, sa aking puso, sa aking buhay, may kuwenta muli ang mabuhay!

Salamat po, Panginoon sa pagdating mo sa hindi perpektong mundo ko. 

Maligayang Kaarawan, Perpektong Pag-ibig ng Diyos!

CHRISTMAS REFLECTION 2014




PERFECT LOVE ENTERS IMPERFECT WORLD

Life is hard… life is challenging… life is a burden…

 We often hear this these days, and who will not agree?  We have our share of life’s unfairness, don’t we? 

So we hear people who want to get over with life; people who want to escape from it all; people who don’t want to be people anymore! – just souls maybe, so they can be free at last! 

After all, life is not worth living!


And life is hard… life is challenging… life is a burden…

That is how God also sees it now for he sees his children struggling through so many things, suffering through so many obstacles.  He knows that life is not a bed of roses, not a comfortable stage for most people on the planet.

The response of the Lord is different. 

Life is difficult, so I quit – that’s what people say! 

God says: Life is difficult so I start! I begin! I embrace all of life!

God is not a quitter but a lover of life.  If God were a quitter in life, there wouldn’t be a Christmas.  He is a lover so he comes to share in what makes things hard and difficult for us.

This is what Christmas means: we don’t live in a perfect world, with only good people around, with all good breaks, with all good feelings…  and so, the Lord comes to live with us, so that we will experience being loved, being cared for, being accompanied, being led to the light.

In an imperfect world, the Child Jesus enters as the perfect love of the Father for each one of us.  so I now begin to understand: “he dwells among us”,  Immanuel –“he is with us.”

With him at my side, with him in my heart, life is worth trying again and again and again!

Thank You, dear Lord for coming to our imperfect world!  Happy Birthday, Perfect Love!

Sunday, November 16, 2014

MEET THE SAINTS: SANTA ANGELA MERICI


ENERO 27

SANTA ANGELA MERICI, DALAGA

A. KUWENTO NG BUHAY

Sa Tagaytay ay may eskinita na may karatula na nagtuturo ng direksyon patungo sa kumbento ng mga “Ursuline Sisters.” Sabi ng isang pari, iyon daw ay religious congregation na itinatag ni Santa Ursula.  Malaking pagkakamali pala ito kasi ang nagtatag ng religious congregation ng mga Ursulines ay hindi si Santa Ursula kundi walang iba kundi si Santa Angela Merici.

Mula Desenzano, sa Brescia, Italy si Santa Angela Merici, na ipinanganak noong 1474.  Iyon ang panahon na talagang kailangan ang malaking reporma o pagbabago para sa ikabubuti ng simbahan.  Sa katunayan, noong isilang si Santa Angela ay maraming pagsubok sa paligid niya. Mayroong peste, may gulo at may taggutom sa bayan.

15 anyos si Santa Angela nang maisipan niyang iwanan ang kanyang mana mula sa kanyang pamilya. Sumapi siya sa Third Order Franciscans upang matutuhan kung paano mabuhay nang buong simple at dukha. 

Ang miyembro ng isang Third Order ay karaniwang mga binyagan o layko (lay people) na nagsasabuhay ng espirituwalidad ng hinahangaan nilang mga santo o religious community/ order kahit na sila ay hindi umaalis sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay at patuloy na namumuhay sa mundo bilang ordinaryong mamamayan.  Karaniwang itinuturing na First Order ang mga paring nagsasabuhay ng ganitong espirituwalidad, at Second Order naman ang mga madre.  Ang mga layko ang bumubuo ng Third Order.

Paglipas ng panahon, naakit kay Santa Angela ang maraming mga layko na ang iba ay mayayaman at ang iba naman ay mga simpleng tao lamang. Tinipon niya silang lahat at nagtatag siya para sa kanila ng isang religious institute sa ilalim ng pangangalaga ni Santa Ursula.

Ang mga kasapi ay tunay na nagtatalaga ng buhay nila sa Diyos subalit nagtatalaga din ng paglilingkod sa kapwa, habang nananatili silang nakatira sa kanilang mga tahanan at nagta-trabaho tulad ng ibang tao. Nananatili ding walang asawa ang mga  kasapi. 

Sa bahaging ito ng kanyang pananaw, tila una nang naisipan ni Santa Angela iyong tinatawag ngayon na “secular institutes  kung saan ang mga miyembro nga ay may panata sa Diyos pero nakatira sa mundo at walang suot na abito o damit tulad na pang-pari o pang-madre.

Naglakbay si Santa Angela sa Holy Land at pagkatapos sa Roma at Mantua sa Italia upang magdasal para sa liwanag at inspirasyon para sa kanyang sinimulang religious institute. Patuloy niyang ginabayan ang mga Ursulines (tawag ngayon sa mga kasapi ng kanyang religious institute). Lumago ang mga Ursulines at dumami ang miyembro hanggang halos may 24 na iba’t-ibang sangay ito nang mamatay si Santa Angela noong Enero 27, 1540.

Hindi naunawaan ng lahat ang kanyang pananaw kaya maraming sumalungat sa kanya, pati na rin sa kanyang landas tungo sa pagiging ganap na santa. Sabi nila ay masyadong progresibo ang isip ni Santa Angela. Noon lamang 1807 siya pormal na kinilala bilang santa ng simbahan.

Bagamat malakas ang nais ni Santa Angela na ang mga Ursulines ay maging obedient o masunurin sa mga may posisyon ng kapangyarihan sa simbahan, mas lalo niyang ibinilin sa kanyang mga tagasunod na ang Diyos Espiritu Santo ang talagang dapat sundin. Pati si Si San Carlos Borromeo ay medyo asiwa sa ideya na ito. Subalit totoo naman na hindi mga tao ang tunay na nagpapatakbo ng simbahan at hindi maaaring palitan ng mga taong may kapangyarihan ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tunay na tagapagbigay buhay sa buong simbahan at taga-pamudmod ng mga kaloob para sa lahat ng tao.


B. HAMON SA BUHAY

Isang taong talagang inspirado ng Diyos itong si Santa Angela. At masusi niyang pinakinggan ang mga inspirasyon ng Panginoon sa kanyang puso para sa sarili niyang kabutihan at para sa kapakanan ng kanyang kapwa.  Siguro ay may inspirasyon din ang Panginoon para sa iyong buhay ngayon. Pakinggan mo itong mabuti at sundin kung alam mong ito ay mula sa Espiritu Santo.

Katulad ni Santa Angela, ang ating puso nawa ay maging tunay na templo ng Espiritu Santo.

K. KATAGA NG BUHAY


MT. 25: 6
Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin  siya. Nagising silang lahat at inihanda ang kanilang mga lampara.

MEET THE SAINTS: SANTO TOMAS AQUINO


ENERO 28

SANTO TOMAS AQUINO, PARI AT PANTAS NG SIMBAHAN

A. KUWENTO NG BUHAY

Sino sa mga nag-aral sa Catholic school ang hindi nakakakilala kay Santo Tomas Aquino? Kahit sa ating bansa ay bantog ang kanyang ala-ala dahil sa University of Santo Tomas na siyang pinakamatandang pamantasan sa buong Far East, ang pamantasan na ipinangalan sa kanya.

Si Santo Tomas Aquino ay mula sa mayamang Italyanong pamilya, anak siya ng Count of Aquino (ang “count” ay isang marangal na posisyon sa lipunan noon) at ng maybahay nitong may lahing German. Noong 1225, ipinanganak siya sa palasyo ng pamilya nila sa Roccasecca.

Una siyang pinag-aral ng mga magulang sa malapit na monasteryo ng Monte Cassino. Ang monasteryong ito ang itinatag ni San Benito (Saint Benedict) para sa kanyang mga monghe, ang mga Benedictines.  Dito sa Monte Cassino nakalibing si San Benito at ang kanyang ka-kambal na si Santa Scholastica.

Pagkatapos ay nag-aral si Tomas sa University of Naples kung saan nakahalubilo niya ang mga miyembro ng Order of Preachers o Dominicans (religious order na itinatag ni Santo Domingo de Guzman). Nahikayat siyang maging isang paring Dominican at sumapi sa grupo noong siya ay 18 taong gulang.

Hindi natuwa sa pasyang ito ng kanyang ama at sa halip ay tinangka nitong hadlangan ang balak ni Tomas. Sobra ang pagtutol ng kanyang ama na ipina-kidnap pa niya ang sariling anak at ikinulong sa tore ng palasyo nang 15 buwan upang makalimutan ang pagiging paring Dominican.

Sinasabing minsan ay naisip ng ama ni Tomas na siya ay padalhan ng isang babaeng aakit sa anak upang mawala sa isip nito ang pagpapari. Subalit nang pumasok ang babae sa kuwarto ni Tomas, kumuha siya ng isang sulo na may apoy at hinabol papalabas ang babae. Tumakbo papalayo ang babae sa takot na siya ay masunog. Sa gayon, ipinakita ni Tomas na walang tuksong magiging balakid sa kanyang pangarap maglingkod sa Panginoon.

Tinulungan si Tomas ng kanyang mga kapatid na babae na makatakas sa tore at naging kasapi siya ng Dominican Order. Nag-aral siya sa Paris, France at sa Cologne, Germany kung saan naging guro niya ang Dakilang San Alberto na sikat at mahusay na propesor na Dominican din. Bumalik siya sa Paris upang kamtin ang kanyang Master of Sacred Theology sa gulang na 31.  Kasama ni San Buenaventura, ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga prayle (mga kasapi ng religious order o congregation) na magturo sa pamantasan sa mariing pagtutol naman ng mga paring diyosesano.

Sa kanyang pag-aaral, si Santo Tomas ay napansing laging tahimik lamang at hindi palasalita tulad ng iba. Dahil medyo malaki din ang kanyang pangangatawan at dahil nga tahimik siya, nabansagan siya na “the Dumb Ox” o tila isang toro na pipi.  Hindi alam ng mga kaklase ni Santo Tomas na darating ang panahon na ang akala nilang pipi ay magiging magiting na guro na pakikinggan at susundan ng maraming mag-aaral mula noon hanggang ngayon.

Maraming isinulat si San Tomas Aquino at dito ay nagningning ang kanyang mga aral sa pilosopiya at teolohiya. Nandiyan ang Summa contra Gentiles, sa kahilingan ni San Raymundo ng Penyafort, bilang isang gabay para sa mga misyonerong pupunta sa lupain ng mga Muslim. Nandiyan din ang Summa Theologica na pinakabantog sa kanyang mga aklat; ito ay tungkol sa mga katanungang pang-teolohiya o tungkol sa Diyos, at pinag-aaralan pa ito hanggang ngayon sa mga seminaryo at paaralang Katoliko.  Si Santo Tomas din ang sinasabing may-akda ng awiting “Tantum Ergo” na ating inaawit tuwing may Banal na Oras o pagsamba sa Banal na Eukaristiya.

Sa tugatog ng kanyang katanyagan bilang propesor, at manunulat, bigla na lamang tumigil ng pagtuturo at pagsusulat si Santo Tomas. Minsan sa kanyang pagmimisa, nakadama siya ng isang karanasang kakaiba at nag-udyok sa kanya upang manahimik na.

Bilang pagsunod sa Santo Papa, naglakbay patungong Lyons, France si Santo Tomas subalit namatay siya sa daan sa monasteryo ng mga Cistercians sa Fossanova, Italy noong March 7, 1274.

Ngayong araw ang paggunita sa paglilipat sa kanyang bangkay sa Toulouse, France noong 1369.

Itinanghal na pantas ng simbahan si Santo Tomas at binigyan pa ng bansag na “the Angelic Doctor” o mala-angel na pantas dahil sa mataas at malinaw na karunungan at katuruan niya at dahil sa kanyang pagkakaroon ng isang busilak at malinis ang puso.

B. HAMON SA BUHAY

Narito ang isang santo na nagpapatunay na ang karunungan at kaalaman ay maaaring magdala sa atin sa lalong malalim na kabanalan, sa halip na sa kayabangan at pagdududa sa Diyos.  Huwag tayong tumigil sa pag-aaral ng ating pananampalataya at sa pagtuklas sa mga kaalaman sa ating paligid na maaari pang magpayabong sa ating buhay ngayon.

Sa tulong ni Santo Tomas, asamin nawa natin na marating ang tunay na karunungan na magbibigay liwanag sa ating buhay.

K. KATAGA NG BUHAY

Mga Salmo 1:1-2
Napakasaya ng taong di sumusunod sa payo ng masama at di lumalakad sa daan ng makasalanan o umuupong kasama ng mga mapangkuta, kundi batas ng Panginoon ang kanyang kinalulugdan na araw-gabing pinagninilayan.

MEET THE SAINTS: SAN TIMOTEO AT SAN TITO


ENERO 26

SAN TIMOTEO AT SAN TITO, MGA OBISPO


A. KUWENTO NG BUHAY

Ka-manggagawa at kasamahan ni San Pablo sa gawain para sa ebanghelyo ang mga santong pinararangalan natin matapos ang pista ni San Pablo. Sina San Timoteo at San Tito ay naging mga malapit na alagad at katuwang ni San Pablo.

Paborito ni San Pablo itong si San Timoteo na anak ng isang lalaking Griyego at isang babaeng Hudyo na naging mga kasapi ng unang simbahan. Ang lola niyang si Lois at nanay niyang si Eunice ang nagturo kay Timoteo ng Banal na Kasulatan at pananampalataya.

Naakit si Timoteo na maging Kristiyano nang marinig niyang mangaral si San Pablo sa Efeso, sa unang paglalakbay nito upang mag-misyon. Lubos siyang humanga sa nasaksihan niya kaya iniwan ni Timoteo ang lahat ng makamundong ari-arian upang maging alagad ni Pablo. Sinamahan niya si San Pablo sa maraming paglalakbay nito, lalo na ikalawa at ikatlong paglalakabay upang mag-misyon.

Ipinadala din ni San Pablo si San Timoteo bilang kanyang kinatawan sa Macedonia, Tesalonica at Corinto.  Nang mabilanggo si San Pablo, naroon si San Timoteo upang bigyan siya ng lakas at pag-asa.

Bagamat alam nating hinirang ni San Pablo si San Timoteo na maging isang obispo, hindi tiyak kung anong taon ito naganap. Ang tiyak lamang ay naging obispo siya ng Efeso at namatay doon nang taong 97.

Si San Tito naman ay nahikayat din na maging Kristiyano noong marinig niya si San Pablo sa kanyang pangangaral. Dati ay pagano si San Tito. Naging kaibigan at alagad siya ni San Pablo. Sinamahan niya si San Pablo at Barnabas sa Council of Jerusalem kung saan itinalaga si San Pablo bilang apostol para sa mga Hentil. 

Malaki ang tiwala ni San Pablo kay Tito kaya ginawa niya itong tagapamagitan ng kapayapaan sa pagitan niya at ng  simbahan sa Corinto.  Na-ordenahan ni San Pablo si San Tito bilang obispo ng Crete kung saan namatay siya sa kanyang katandaan, mga edad na 105. May magandang parangal na sinambit para kay San Tito ang mga banal na sina San Juan Crisostomo at si San Geronimo.  May natatanging debosyon kay San Tito sa bansang Croatia.

Sa Bagong Tipan, makikita ang mga sulat ni San Pablo kina San Timoteo at San Tito.  Ang mga sulat na ito ay tinatawag na liham-pastoral dahil nagtataglay ito ng napakagandang mga paghimok at paanyaya para sa paggabay sa mga pastol ng simbahan at mga mananampalataya.

B. HAMON SA BUHAY

Maikli lamang ang mga sulat ni San Pablo sa kanyang mga kaibigan at mga alagad na tampok na mga santo para sa araw na ito.  Bakit hindi natin basahin unti-unti at kapulutan ng aral ang mga Una at Ikalawang Sulat ni San Pablo kay Timoteo at ang Sulat ni San Pablo kay Tito. Lalo nating makikita ang pagkaka-ugnay ng tatlong mga bayani ng Bagong Tipan at ng simbahan.

Sa tulong nina San Timoteo at Tito, ialay nawa natin ang ating buhay sa paglilingkod sa bayan ng Diyos na kinabibilangan natin.

K. KATAGA NG BUHAY


1 Timoteo 1:2
kay timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya; sumaiyo ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.

Tito 1: 5
Ito ang dahilan kaya iniwan kita sa Creta: dapat mong ayusin ang mga hindi pa ayos at maglagay ng Matatanda sa bawat bayan ayon sa aking iniutos sa iyo.